Tiniyak ng Department of Justice sa publiko na ang ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay tumalima sa kaukulang domestic at international legal procedures.
Sa isang statement mula sa opisina ng tagapagsalita ng Department of Justice, sinabi nito na ang pagsisilbi ng arrest warrant ng International Criminal Court laban sa dating pangulo na tinanggap naman ng Philippine Center for Transnational Crime mula sa Interpol ay sumunod sa binuong mga panuntunan.
Layon ng hakbang na ito na matiyak na maprotektahan ang karapatan ng dating pangulo.
Ayon sa DOJ, ang arrest warrant na inisyu ng Pre-Trial Chamber ng ICC ay may kinalaman sa reklamong crime against humanity of murder na inihain kay Duterte.
Paliwanag ng ahensya na sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas bilang miyembro ng ICC noong 2019, nananatili pa ring bahagi ang bansa ng INTERPOL.
Pinangunahan rin aniya ng mga otoridad ng Pilipinas ang pagsisilbi ng warrant of arrest bilang comity at mutual cooperation sa international community.
Kaugnay nito ay kinumpirma ng Justice Department na naging mapayapa ang pag-aresto sa dating pangulo ng bansa.