-- Advertisements --

Tuluyan nang nakaka-rekober ang mga lugar na dating naapektuhan sa malawakang oil spill na dulot ng lumubog na MT Princess Empress.

Maalalang noong Pebrero 28, 2023 o dalawang taon na ang nakalilipas, lumubog ang naturang barko sa karagatang sakop ng Mindoro habang karga-karga nito ang 900,000 litro ng industrial fuel.

Nagdulot ito ng malawakang oil spill na umabot pa sa mga probinsya ng Palawan, Antique, at Batangas na naka-apekto sa kabuhayan ng libu-libong mamamayan habang napinsala rin ang mga aquatic at maritime resources ng bansa.

Dalawang taon mula noon, sinabi ng Department of Justice na umabot na sa mahigit 32,000 katao ang nakatanggap ng compensation mula sa International Oil Pollution Compensation (IOPC). Marami sa kanila ay mga mangingisda habang ang iba ay mga tourism workers.

Ang ilan sa kanila ay nakatanggap ng P100,000 habang ang pinakamalaki ay nakatanggap ng hanggang P700,000.

Gayunpaman, may ilan na napakababa umano ang natanggap na compensation habang ang iba ay wala pang natatangap.

Paliwanag ni DOJ Usec. Raul Vasquez na hindi umano pare-pareho ang sitwasyon ng mga naapektuhan ng oil spill kung saan ang iba sa kanila ay naka-depende lamang ang kabuhayan sa pangingisda kayat mas malaki ang nakuhang bayad-danyos.

Gayunpaman, tiniyak naman ng DOJ official na patuloy na makikipag-ugnayan ang ahensiya sa IOPC upang mabantayan ang claims ng mga mamamayan.

Posibleng pagsapit aniya ng 2026 ay aabot na sa 40,000 ang bilang ng mga makakatanggap ng compensation.