Inihayag ng Department of Justice na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagsasagawa ng monitoring sa presyo ng bigas sa bansa.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinisiguro ng kanilang ahensya sa bawat retailers na mayroong ayuda ang gobyerno na ipinamamahagi sa mga naapektuhan ng price cap sa bigas.
Ito rin ay upang maging maayos ang kanilang negosyo at kahit papaano ay hindi sila malugi.
Naniniwala naman ang kalihim na humupa na ang panic na unang dumating sa taong bayan matapos na ilabas ang price ceiling sa bigas.
Ani Remulla, sa ngayon ay nagiging resonable na ang mga merkado sa bansa.
Kung maaalala, nagsagawa ng inspeksyon ang Justice Department sa mga merkado sa bansa upang matiyak na sumusunod ang mga retailer sa itinakdang presyo ng bigas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bumuo ng grupo ang ahensya na siya namang nag-iikot-ikot sa mga pamilihan sa buong bansa.
Sinabi rin ng Kalihim na pinag-aaralan nila ang mga posibleng ipapataw na kaso sa mga mahuhuling retailer na lumabag sa Executive Order No. 39 na ibinaba ng Punong Ehekutibo.
Sa naturang E.O ay ipinag-utos ng Pangulo na itakda sa P41 per kilo ang presyo ng regular milled-rice habang P45 naman per kilo para sa Well-Milled rice o magandang klase ng bigas.
Tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magtatagal ang pagpapatupad ng price ceiling sa bigas.