Hindi pa rin nakakapag desisyon ang Department of Justice kung kanilang iaapela ang naging pinal na desisyon ng Muntinlupa City regional trial court na nagbasura at nagpawalang sa kasong ilegal drug trading laban kay dating Senador Leila de Lima.
Ayon kay Justice Assistant Secretary Atty. Mico Clavano, ipinapaubaya na ng ahensya sa kanilang mga panel of prosecutors upang tukuyin ang susunod nilang hakbang hinggil sa naturang kaso.
Aniya, lagi nilang ipinatutupad ang tinatawag na prosecutorial independence.
Ang naturang kaso rin aniya ay minana pa ng Justice Department mula sa dating administrasyong Duterte.
Sinabi rin ni Clavano na mahirap iapela ang isang kaso kung acquittal ang naging desisyon.
Samantala, sa isang pahayag sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang hatol ni Muntinlupa City RTC Branch 206 Presiding Judge Gener Gito sa kaso ni De Lima ay pagpapakita lamang na umiiral ang justice system ng bansa at gumagana ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Nirerespeto rin ng kalihim ang desisyon ng korte at ito rin aniya ay isang testamento ng fairness at efficiency ng ating justice system.