-- Advertisements --

Walang nakikitang isyu ang Department of Justice (DOJ) sa paggawad ng clemency kay Mary Jane Veloso, ang Pinay na hinatulan ng kamatayan sa Indonesia may kinalaman sa ilegal na droga na napauwi na sa Pilipinas nitong Miyerkules makalipas ang mahigit 14 na taong pagkakakulong sa Indonesia.

Subalit nilinaw ng DOJ, ang naturang desisyon ay nakasalalay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi naman ni Justice USec. Raul Vasquez na ang DOJ ang isa sa mga lupon na maaaring magrekomenda kay Pangulong Marcos para sa susunod na magiging hakbang sa kaso ni Veloso.

Nang tanungin naman ng DOJ official kung inirekomenda na ito ng ahensiya sa Pangulo, sinabi ni USec. Vasquez na pag-uusapan itong maigi at gaya ng sinabi ni Pangulong Marcos, on the table na o nakalatag ito para pag-usapan kasama ang iba pang persons deprived of liberty (PDLs) na nakatakdang gawaran ng clemency.

Naniniwala naman ang DOJ official na hindi ito magbibigay ng negatibong mensahe sa Indonesia dahil sila mismo aniya ang naglagay kay Veloso para mapauwi sa bansa, at ngayong nasa PH na siya bilang isang PDL, napasailalim na rin siya sa lahat ng mga karapatan at pribilehiyo salig sa batas ng Pilipinas.

Nilinaw naman ng opisyal na walang special treatment kay Veloso habang nakadetine ito sa Correctional Institution for Women para ipagpatuloy ang pagsisilbi sa kaniyang sentensiya. Bagamat tiniyak naman ng DOJ official na naatasan ang Bureau of Corrections (BuCor) na siguruhin ang kaligtasan at kapakanan ni Veloso.