CENTRAL MINDANAO- Isang kilalang manggagamot sa Lamitan City Basilan ang sumuko sa mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang suspek na si Dr Chao Tiao Yumol ll,35 anyos,may asawa at residente ng 22 Rizal Avenue Barangay Maligaya Lamitan City.
Sumuko si Yumol sa tanggapan ng Regional Investigation and Intelligence Division ng PRO-BARMM sa Parang Maguindanao.
Agad namang tinurn-over ang suspek ng PRO-BARMM sa Parang PNP sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Ibrahim Jambiran.
Si Dr Yumol ay may warrant of arrest for 26 counts of Violation of RA 10175 , section 4 in relation to section 6, article 355 of the RPC sa ilalim ng criminal case # 42543-42568 na inisyu ni Hon. Gregorio V Dela Peña III, Presiding Judge ng RTC Branch XII, 9th Judicial Region ng Zamboanga City.
May inirekomendang bailbond ang korte na abot sa P2,080,000.00.
Nilinaw naman ni Lt/Col Jambiran na kusang sumuko si Doktor Yumol sa RIID ng PRO-BARMM.
Matatandaan na isiniwalat ni Dr Yumol ang paggamit ng pera ng kaban ng bayan ng ilang politiko ng Lamitan City sa sarili nitong bulsa kaya siya sinampahan ng kaso.
Mariin namang pinabulaanan ng LGU-Lamitan City na pawang walang katotohanan ang mga akusasyon ni Yumol at paninira lamang sa mga opisyal ng lungsod.