Pumanaw na ang doktor na kabilang sa mga nasa frontline upang tumulong sa paggamot sa mga pasyente na nagkakasakit dahil sa novel coronavirus sa Wuhan City sa China.
Kinilala ang biktima na si Dr. Liang Wudong, 62, na sinasabing namatay siyam na raw makaraang mahawa ng coronavirus mula sa mga pasyenteng kanyang ginagamot.
Ang kaso ni Dr. Wudong ay kauna-unahang insidente sa medical profession.
Sinasabing si Wudong, ay isang surgeon sa Xinhua Hospital sa Hubei province na siyang epicenter nang pinagmulan ng novel coronavirus.
Bumuhos naman ang kalungkutan at pakikiramay sa nangyari kay Wudong lalo na at nasa kalagitnaan ngayon ang mundo sa pagharap sa outbreak ng coronavirus.
Nitong araw lamang ng Sabado mahigit na sa 1,000 ang kumpirmadong nagkasakit sa buong China habang umakyat na rin sa 41 ang nasawi.
Nasa 1,297 kaso na ang naitala na kinapitan ng novel coronavirus kung saan nasa 19 nito ay mula sa labas ng China.
Ayon sa National Health Commission ang naturang bilang ay makaraang maidagdag ang panibagong kaso mula sa China, nasa 10 ang mula sa Hong Kong, at meron din sa Macao at Taiwan.
Ang pagtaas din ng bilang sa death toll sa 41 ay kasunod naman ng good news na 38 mga pasyente ang gumaling mula sa ilang mga ospital.
Nitong araw din ang bansang Australia at Malaysia ay nakapagtala na rin ng unang kaso ng novel coronavirus.
Ang pasyente ay isa umanong lalaking Chinese national na edad 50, na kamakailan lamang ay bumiyahe sa sa central China’s Wuhan City.
Ang pasyente ay naka-confine ngayon at isolated sa Melbourne hospital.
Una rito, umabot na rin ang Wuhan coronavirus sa Europa.
Todo paalala pa rin ang mga health experts na palaging maghugas ng kamay, mag-face mask kung sakali at umiwas mga bumabahing at matataong lugar kung maaari.