Narekober din ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isang sulat mula sa Office of the President na pirmado ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa paghalughog sa POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay PAOCC USec. Gilbert Cruz, ang mga dokumento ay may petsang 2021 na nakumpiska sa loob ng Lucky South 99 compound.
Sinabi din ng opisyal na kailangan pa nilang iberipika ang naturang mga sulat para masiguro ang authenticity ng mga ito.
Ayon pa sa opisyal, ang dokumento na pirmado ni Roque ay sulat mula sa kaniyang executive assistant na humingi noon ng travel support sa pagtungo nito sa Poland.
Nag-apply aniya noon ang dating executive assistant ni Roque para sa Schengen visa.
Samantala, sinabi din ni Casio na walang criminal value ang naturang dokumento sa kanilang nagpapatuloy na imbestigasyon laban sa ilegal na POGOs.
Sa kabilang banda naman, ipinaliwanag ni Atty. Roque na malinaw na walang kinalaman ang narekober na affidavit of support sa anumang POGO operation kundi ginamit ito para sa ibang purpose.
Aniya, ang mga dokumento ay pagmamay-ari ng kaniyang dating matagal na empleyado na nag-aaral ngayon sa Clark na posibleng malapit sa ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Samantala, iniimbestigahan naman na ng PAOCC ang mga opisyal at incorporators ng Lucky South 99 at kung nagsisilbing abogado ng mga ito si Roque.
Dati kasing nagsilbi si Roque bilang abogado para sa Whirwind Corporation na isang real state company na nagpapaupa ng property sa Lucky South 99.