Umabot na sa mahigit P2.7B na halaga ng tulong ang naipamahagi na ng Department of Labor and Employment sa Central Visayas sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program mula nang maupo sa pwesto si Presidente Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Inihayag ni DOLE 7 OIC-Assistant Regional Director Emmanuel Ferrer na batay sa kanilang datos, nasa 593,000 indibidwal ang natulungan simula noong Hulyo taong 2022 hanggang sa Agosto 30 ng kasalukuyang taon.
Bukod dito, inihayag ni Ferrer na sa Single Entry approach (SEnA) mula Hulyo 2022 hanggang sa Agosto 30 ng kasalukuyang taon, natulungan ang nasa mahigit 6,500 na indibidwal na umaabot sa P293M halaga.
Sa kanilang DOLE Integrated Livelihood Program naman, nabigyan ng tulong pangkabuhayan ang 4,809 indibidwal at 681 magulang/guardian ng mga child laborers na nagkakahalaga ng P78.2M as of August 30.
Samantala, ibinunyag pa ni Ferrer na tinitingnan ngayon ng ahensya ang mga paraan kung paano palakasin ang kakayahan ng mga manggagawa sa Central Visayas.
Aniya, nilalayon nitong palakasin ang mga human resources at makamit ang disente at sustenableng trabaho sa bansa na pakinabangan ang produktibidad ng mga manggagawa.