Kinontra ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang utos na inisyu ng Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Abdullah Mama-o na pagtatanggal na sa deployment ban ng mga overseas Filino workers (OFWs) patungo ng Saudi Arabia.
Nilinaw ngayon ni Bello na ‘wag daw dapat paniwalaan ang lumabas na isyu na meron ng lifting sa suspension ng deployment ng mga bagong na-hire na OFW.
Paliwanag ni Bello, ang Department of Migrant Workers (DMWs) ay hindi naman daw nabubuo pa.
Maaari lamang daw mabuo ang bagong departamento kung meron ng (IRR) o implementing rules and regulations.
Giit pa ni Sec. Bello, ang kalihim din ng DMW ay hindi pa raw pwede magpalabas ng mga bagong direktiba sa publiko.
Una na ring nilinaw ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ang isinumite sa Malacañang na rekomendasyon ni Sec. Mama-o ay hindi pa nila maaaring paboran hangga’t hindi pa nabubuo ang kanilang mga plano.