Nagsanib pwersa ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matugunan ang isyu sa kagutuman, kakulangan sa suplay ng tubig at iba pang suliranin na nararanasan ng vulnerable families sa Pilipinas.
Isinagawa ito batay sa ibinabang mandato sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaroon ng whole of government approach ang naturang mga ahensya.
Dito kasi ay kinakailangan na lahat ng ahensya ng gobyerno ay magsasama-sama at magtulungan upang ang kanilang mga ilulunsad na mga programa at proyekto ay pangmatagalan, sustainable at lubos na makatutulong para sa ating mga kababayan.
Kung kaya’t nagkaisa ang ang mga ito na lumagda sa isang Memorandum of Understanding upang mas maimplementa ang DOLE ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program at ang Project LAWA at Project BINHI (Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished Project) ng DSWD sa ating bansa.
Layunin ng TUPAD program na mabigyan ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawang nasa mahihirap na kalagayan sa pamamagitan ng pag a-alok sa mga proyektong pang-komunidad habang ang proyektong LAWA sa BINHI naman ay nakatuon sa pagtugon ng mga iba’t ibang kakulangan, partikular na sa tubig at seguridad sa pagkain.
Samantala, ang nabanggit na mga programa raw ay isang ‘direct intervention’ din ng ahensya sa epekto ng El Niño sa bansa at gayundin ang paghahanda nila para naman sa posibleng dulot na pinsala ng La Niña kung sakaling dumating na ang hagupit ng bagyo sa Pilipinas.