Nakikita ni Deparment of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na magkakaroon ng pagtaas sa arawang minimum wage sa lahat ng rehiyon sa bansa bago matapos ang 2023.
Sinabi ito ng kalihim base na rin sa direksiyon ng proseso o mga hakbanging ginagawa ngayon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Sinabi ng kalihim na tanging 6 na rehiyon pa lamang ang nakakumpleto ng kanilang proseso para sa posibleng taas sahod kabilang dito ang National Capital Region, Calabarzon, Central Visayas, Cagayan, Central Luzon at Soccsksargen.
Mayroon din aniyang tatlong rehiyon ang nagsasagawa na ng public hearings na susundan ng deliberasyon sa sahod at pag-isyu ng wage orders.
Una rito, nagresulta ang naturang wage hikes mula sa motu propio ng regional wage board o mga petisyon mula sa grupo ng mga manggagawa bunsod na rin ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kamakailan lamang inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage hike orders na isinumite ng regional wage board sa may Cagayan valley, Central Luzon at Soccsksargen para sa dagdag sahod sa mga manggagawa mula sa pribadong sektor at mga kasambahay.