-- Advertisements --

Kinumpirma ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na wala pa silang hawak ng listahan ng mga pangalan ng mga benepisyaryo para sa Ayuda sa Kapos ang Kita o AKAP Program kahit na nag-roll out na ito noong nakaraang taon. 

Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, nasita ni Senadora Imee Marcos ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ukol sa kawalan ng listahan ng mga pangalan ng mga minimum at below minimum wage earners na pamahahagian ng ayuda. 

Sinabi ni DOLE Undersecretary Benjo Santos Benavidez, na wala silang pangalan ng mga empleyadong sumasahod ng minimum at ang datos na meron sila ay bilang lamang ng mga minimum wage earners.

Ngunit aniya mayroong proseso para malaman kung sino-sino ang mga kumikita ng minimum sa mga kumpanya at isa na rito ang ginawang survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bawat kumpanya kung saan nasa 5 milyon ang naitalang minimum wage na mga empleyado.

Bagay na kinumpirma rin ni DSWD Undersecretary Aliah Dimaporo na wala silang listahan ng mga pangalan ng mga benepisyaryo para sa AKAP Program.

Katwiran ni Dimaporo, bagamat walang listahan, may guidelines at requirements aniya para makatanggap ng AKAP. 

Umalma naman ang ilang grupo dahil may trabaho na mas mababa sa minimum wage ang bibigyan ng AKAP sa halip na unahin ang walang kinikita.  

Paliwanag ng DSWD, may ibang programa ang ahensya para sa mga walang trabaho. 

Mungkahi ni Former Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na ilathala ang mga pangalan at halaga ng mga nakatanggap ng AKAP at kung sino ang nagrekomenda sa kanila.