Nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi opisyal na humiling ng exemption ang gobyerno ng Germany para sa deployment cap ng mga Pilipinong nurse.
Ayon kay Bello, bagama’t hindi sila nakaranggap ng request mula sa kanila, inabisuhan daw sila na nagre-request ang Germany ng 15,000 nurses at medical care workers.
Tanging ang gobyerno ng United Kingdom lamang aniya ang pormal na nag-request ng exemption.
Sinabi noon ni Bello na kapwa humiling ang UK at Germany ng exemption mula sa 5,000 kada taon na limit sa deployment ng mga Pinoy nurses at iba pang health care workers.
Una rito, inihayag ng DOLE na maaari nilang bawiin ang deployment cap sa UK kung masusuod ang mga kondisyon na itinakda ng kagawaran, kabilang na ang probisyon ng COVID-19 vaccines para sa mga ide-deploy na medical personnel.
Samantala, inilahad ng kalihim na humingi na raw ito ng datos sa kung ilan ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong nurse mula sa Philippine Nurses Association (PNA).
Ani Bello, ikokonsidera raw nito ang bilang ng mga nurses sa magiging rekomendasyon nito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbawi ng deployment cap sa UK upang masigurong may sapat pa ring mga health workforce ang bansa sa gitna ng pandemya.