Handa ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tumalima sakaling magpasya ang Kongreso na amyendahan ang wage hike law para sa mga manggagawa sa buong bansa.
Sa isang statement, nilinaw ng DOLE na wala ito sa posisyon para higpitan ang pagpapatupad ng kapangyarihan ng Kongreso o tanggihan ang wage adjustments.
Kapag repasuhin o ipawalang bisa aniya ng Kongreso ang Republic Act (RA) No. 6727 o Wage Rationalization Act, tungkulin ng DOLE na ipatupad ang batas gaano man ito kahirap.
Ginawa ng ahensiya ang pahayag sa gitna ng pagsusulong ng mga panukalang batas sa Kongreso na naglalayong rebisahin ang naturang batas para mapataas ang sahod mula P100 hanggang P750 sa pribadong sektor.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng konsultasyon ang DOLE kasama ang sektor ng mga manggagawa sa Mayo 23 at sektor ng employer sa Hunyo 4 habang target na isagawa naman ang public hearing sa Hunyo 20.