CAUAYAN CITY – Iginiit ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dapat ay pag-isipan nang maigi ang hirit ng ilang sektor na magdeklara na ng deployment ban sa bansang Kuwait.
Reaksyon ito ni DOLE Sec. Silvestre Bello III kasunod sa hirit ng grupong Migrante na dapat ay ipatigil na ang pagpapadala ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa nasabing bansa.
Kasunod pa rin ito ng pagkamatay ng OFW na si Constancia Dayag sa naturang lugar dahil sa pinatay umano ito ng kanyang amo.
Paliwanag ni Bello, hindi raw nila matitiyak na mapagbibigyan ang kahilingan ng grupo sapagkat hindi basta-basta ang pagpapatupad ng deployment ban.
Dapat din umano itong pag-aralan at hindi rin dapat mabahiran ng pulitika dahil maraming mga OFW na nasa Kuwait ang maaapektuhan.
Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kristina Pacis, lider ng grupong Migrante Isabela na maraming kaso ng pang-aabuso ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait ang kanilang natatanggap kaya’t marapat lamang na magpatupad na ng deployment ban ang DOLE.
Inihayag niya na handa silang tumulong at isulong para sa pagkamit ni Dayag ng hustisya sa korte man sa Kuwait o dito sa bansa.