-- Advertisements --

Hinihiling ngayon ng Department of Labor and Employement (DOLE) ang pag-apruba sa P24 bilyon na halaga ng subsidy para sa mahigit isang milyon na mga manggagawang lubhang naapektuhan ng walang humpay na taas-presyo ng langis sa bansa.

Ayon kay DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay, ang naturang panukala ng wage subsidy ay mapakikinabangan ng mga manggagawang mula sa pribadong sektor sa loob ng tatlong buwan, mula Arbil hanggang Hunyo.

Aniya, ito ay bilang pagkilala at pagtugon ng kagawaran sa panawagan ng labor sector na itaas pa ang minimum wage ng mga manggagawa nang dahil sa walang patid na oil price hike sa bansa na bunsod pa rin sa nangyayaring sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Dagdag pa niya ay sumusuporta rin aniya sa National Employment Recovery Strategy (NERS 2021-2022) ang nasabing wage subsidy alinsunod sa Executive Order No. 140, series of 2021.

Ito ay tumutuon sa pagpapahintuot sa pagbabalik ng domestic enterprise at pagdadala ng local jobs para sa mga manggagawa na maaari ring ipaabot sa vulnerable workers na lubhang naapektuhan ng fuel price hikes sa Pilipinas.

Sa pamamagitan din aniya ng naturang mungkahi ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga bagong bukas na negosyo, partikular na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na makabawi at mapalago pa ang kanilang mga negosyo.

Samantala, kaugnay niyan ay nakatakda naman na suriin ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ang socio-economic conditions ng rehiyon at sisimulan ang mag procedural requirements sa consultation sa loob ng nasabing panahon.