-- Advertisements --

Hinimok ni Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Benjo Benavidez ang mga minimum wage earner na mag-avail ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP).

Ayon kay Benavidez, ang naturang programa ay sadyang ginawa para matulungan ang mga manggagawang sumasahod ng minimum wage at below minimum wage.

Ang kontrobersyal na AKAP ay isang government assistance program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Economic Development Authority.

Ayon kay Benavidez, maaaring makakuha ang mga manggagawa ng salary certification mula sa kanilang mga employer at isumite ito sa DSWD.

Lahat ng aplikasyon aniya ay sasalain salig na rin sa sinusunod ng guidelines sa implementasyon nito. Dito ay titingnan kung papasa sila at tuluyang magiging benepisyaryo.

Ayon pa sa DOLE official, kung magiging benepisyaryo ang mga ito ay isasapubliko rin ang kanilang mga rekord, at maaari itong makita ng Commission on Audit (COA), salig sa tungkulin nitong pag-audit ng mga pampublikong pondo.

Batay sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang AKAP ay may pondong P26 billion para ngayong taon.