Humiling na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang pondo para sa wage subsidy program na ipatutupad ngayong taon.
Sa isang virtual press conference, sinabi ni DOLE ASec. Dominique Tutay na wala raw kasing nakalaang pondo para sa wage subsidy sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act.
“For a wage subsidy, actually wala naman pong pondo under 2021 General Appropriations Act ‘yung wage subsidy, kaya po nagpo-propose po tayo sa ating Pangulo through DBM at ito po ay nai-submit na ng ating Kalihim Bebot Bello kay Secretary Wendel Avisado ‘yung atin pong request,” wika ni Tutay.
Sang-ayon sa 2021 national budget, may alokasyon ang DOLE na P37.1-bilyon.
Una nang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na nasa 1.6-milyong Pilipino ang hindi pa nakababalik sa trabaho lalo pa’t ilang sektor pa ang hindi pa pinapayagang magbukas sa ilalim ng iba’t ibang quarantine restrictions.
Sa usapin naman ng wage subsidy program, inilahad ni Tutay na tatakbo ito ng tatlong buwan.
“We based the budget on the average wage of the workers in different sectors kasi iba-ibang industry po ay iba-iba ang kanilang average wage — so it’s between P7,000 to P11,000 na subsidy and it will run for three months,” ani Tutay.
Ang request din aniya ng DOLE sa DBM ay sasakupin ang 25% hanggang 75% ng buwanang average wage ng mga manggagawa.
“If we say we will shoulder 25% of the prevailing average wage po, nasa P62 billion ‘yung pinakamababa na request. Ang pinakamataas ay nasa P188 billion that would cover 75% of the average monthly wage rate po,” sabi ni Tutay.
“Proposal na aming sinubmit is subsidizing 25%, subsidizing 50%, or subsidizing 75% of the average wage po,” dagdag nito.