DAVAO CITY – Magsasagawa ng imbestigahan ang Department of Labor and Employment ukol sa nag viral na service crew ng isang sikat na Chinese fastfood chain sa lungsod ng Davao, matapos itong mag door-to-door para kumuha ng mga order mula sa mga customer.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, kung may mga gawain para sa empleyado na hindi na bahagi ng kanilang trabaho, dapat silang bigyan ng karagdagang benepisyo.
Pinapaalalahanan ng DOLE ang mga employer na pahalagahan at pangalagaan ang kanilang mga manggagawa.
Dagdag pa ni Laguesma, dapat sagutin ng employer ang lahat ng gastusin kapag tumaas ang trabaho ng empleyado, tulad ng service crew na naglabas ng sariling pera para pamasahe sa pagdeliver ng mga order.
Sa kasalukuyan, naghihintay na lamang ang DOLE na magsampa ng reklamo hinggil sa viral video na ito.
Samantala, tiniyak din ng fastfood chain kung saan nagtatrabaho ang service crew na hindi sila tinanggal sa kanilang trabaho at tiniyak na itinigil na nila ang aktibidad na iyon.