Inihahanda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang alok na tulong at programang pangkabuhayan para sa mga Pilipinong maapektuhan ng deportation sa Amerika.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, magbibigay ang ahensiya ng iba’t ibang mga tulong kabilang na ang employment support para sa mga Pilipinong ipapadeport pabalik sa bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinumpirma naman ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na nasa 24 na Pilipino na ang napadeport para sa umano’y criminal offenses habang 80 iba pa ang kasalukuyang sumasailalim sa deportation proceedings.
Bilang tugon dito, pinakilos na ng pamahalaan ang mga pangunahing ahensiya kasama ang Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs para tulungan ang mga apektadong Pilipino.
Samantala, inihalimbawa naman ni Sec. Laguesma ang karanasan noon ng gobyerno sa pangangasiwa sa malakihang deportation partikular na ang repatriation noon ng mga hindi dokumentadong manggagawang Pilipino mula Malaysia na nagpapakita ng kahandaan ng PH para sa pangangasiwa sa parehong sitwasyon ngayon sa deportation sa Amerika.