Inihayag ng Department of Labor and Employment na handa ang kanilang ahensya na tumulong sa mga jeepney driver at operator na maaapektuhan ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Aabot sa P30,000 in-kind livelihood assistance ang inaalok na tulong ng naturang ahensya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang mga displaced jeepney drivers at operators ay maaaring maka-avail ng “enTSUPERneur” program ng DOLE.
Ayon sa kalihim, ang livelihood package ay naglalaman ng mga materyales, inputs, at market linkages upang tulungan ang mga benepisyaryo.
Kaugnay nito ay hinimok ni Laguesma ang mga displaced transport workers na sumailalim sa skills development training program ng Technical Education and Skills Development Authority.
Aniya, ang programa ay nagbibigay ng libreng technical vocational skills training, assessment, at certification sa mga displaced drivers, operators, at kanilang mga miyembro ng pamilya, na may training allowance na P350 kada araw para sa maximum na 35 araw.
Batay sa datos ng DOLE, aabot sa 4,500 transport workers ang naka-avail ng assistance program na nagkakahalaga ng kabuuang P123 milyon habang 1,500 transport workers naman ang naghihintay din para mabigyan ng ayuda ng ahensya.