Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P1 bilyon para sa mga manggagawang apektado ng mas mahigpit na hakbang na ipinatupad, lalo na sa Metro Manila, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, mamamahagi ng limang libong pisong tulong pinansyal ang kagawaran para sa mga manggagawa sa formal sector.
Magsisimula aniya sila sa pagtanggap ng mga aplikasyon anumang oras sa lalong madaling panahon sa oras na mai-publish na ang nasabing alituntunin.
Ani Bello, ang resulta ng naging pananalasa ng Bagyong Odette at ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay ang dahilan kung bakit nadiskaril ang pagbangon ng ekonomiya at trabaho ng Pilipinas.
Bilang tugon, sinabi niya na namahagi na ang departamento ng emergency employment fund na nagkakahalaga ng P120 milyon sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), na nakinabang sa 25,000 benepisyaryo.
Aniya, may P50 milyon na halaga ng TUPAD funds para sa mga manggagawa sa turismo at isa pang P50 milyon para sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ang kanilang inilaan para sa Metro Manila.