CAUAYAN CITY- Maglalaan ng P1 bilyon na pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa National Integration Program ng mga umuwing OFW dahil sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi niya na magpupulong sila kasama ang OWWA para pag-usapan ang National Integration Program para sa mga OFWs.
Ngayong araw ay mayroon silang OWWA board meeting para talakayin ang livelihood program na ibibigay sa mga OFWs.
Maglalaan sila ng P1-B para magkaroon ng group livelihood.
Inihalimbawa niya ang pagtatanim ng bamboo o kawayan na pagtutulungan ng mga OFWs.
Sinabi rin ng kalihim na umabot na sa 111,000 na OFWs ang kanilang napauwi at patuloy din ang pamimigay nila ng tulong pananalapi sa mga nag-apply na kuwalipikado.