-- Advertisements --

Umaabot pa umano sa mahigit 100,000 mga overseas Filipino workers ang naghihintay na mapauwi sa bansa matapos mawalan ng trabaho bunsod ng epekto ng coronavirus pandemic.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III, maaari pa raw tumaas ang naturang bilang depende pa sa sitwasyon ng mga OFWs sa ibayong dagat.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin daw ang pag-repatriate ng gobyerno sa marami pang mga Pinoy workers kung saan naglalaro ang kanilang bilang mula 1,500 hanggang 3,000 kada araw.

Tiniyak din ni Bello na mabibigayan ng financial assistance ang mga OFWs pagdating nila sa bansa.

Maliban dito, may inihanda rin aniya ang kagawaran na livelihood asssistance para sa kanila.

Paglalahad pa ng kalihim, mayroon nang alternatibong deployment market para sa mga Pinoy workers tulad sa Taiwan, Japan, Germany, United Kingdom, Israel, at Middle East.

“Kaya lang, mag-ingat tayo. Iniingatan namin na ‘yung mga lugar na pagdadalhan natin ng mga OFW natin ay ligtas sa COVID-19,” wika ni Bello.