-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Labor and Employment ang pagpapahalaga sa paglikha ng mas maraming trabaho na maiaalok para sa mga mangagawang Pilipino.

Alinsunod sa posibilidad ng pagtaas sa magiging minimum wage ng mga trabahador mula sa pribadong sektor, nais ng kagawaran na mas magpokus sa pagbibigay ng mga oportunidad lalo na sa mga wala pang hanapbuhay.

Habang hindi pa tuluyang naisasabatas ang umento sa sahod ng mga empleyado, ibinahagi ni Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment na higit na layunin ng kagawaran ang makalikha ng trabaho.

Sapagkat giit niya, ito ay ang kanilang dapat na gampanang mandato kaya naman sinabi din ng kalihim na nais nilang makapagbigay ng mga dekalidad na trabaho para sa mamamayan.

‘Hindi po tayo tututol kasi mandato po natin maliwanag eh, mas higit po natin layunin na sana patuloy na makalikha ng mas maraming trabaho at hindi lamang basta trabaho, sana dekalidad na trabaho,’ ani Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment.

Dagdag pa rito, ipinaliwanag naman ng naturang kalihim na ang kanilang pagpokus sa layuning ito ay hindi lamang makatutulong para sa bansa kundi partikular na rin sa mga indibidwal na unang beses pa lamang magtatrabaho.

Sapagkat ang pagdami ng trabahong maibibigay sa publiko ay makapagbubukas ng mas maraming oportunidad lalo na sa mga ‘new entrance in the labor force’.