-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang national government na isama ang mga minimum wage earners sa mga sektor na prayoridad sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Labor Usec. Benjo Benavidez, malaking tulong para sa ekonomiya ng bansa ang pagtiyak sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa, kasama na ang mga overseas Filipino workers (OFW).

“Alam po ninyo at alam din po natin ito ng ating mga kababayan na ang ating labor force ay composed mostly ng ating mga minimum wage earners at katuwang po ng ating mga negosyante, ang atin pong mga minimum wage earner, ito po iyong bumubuhay sa ating ekonomiya,” wika ni Benavidez.

“So, para po tayo maka-recover, para po maka-recover ang ating ekonomiya, kailangan po nating siguraduhin na ang ating mga manggagawa ay ligtas at malusog.”

Una nang inanunsyo ng national government na balak nilang maturukan ng COVID-19 vaccine ang nasa 50 hanggang 70-milyong Pilipino ngayong 2021.

Kabilang sa mga priority list ang mga health workers, mahihirap, matatanda, at mga nasa unipormadong hanay.

Samantala, sinabi ni Benavidez na mino-monitor nila ang mga pagawaan at opisina kung nakasusunod ba ang mga ito sa mga umiiral na health and safety protocols upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.

Katuwang aniya nila sa mga ginagawang inspeksyon sa naturang mga pasilidad ang Department of Trade and Industry (DTI) at local government units (LGUs).

“Kami po ay nakabisita ng mahigit na 72,000 na mga pagawaan at opisina para tingnan po namin iyong pagsunod po nila sa minimum health protocols. At doon po sa mahigit pong 72,000, iyong initial visit po namin ay may 77 po iyong compliance rate. So ibig sabihin po noon, mayroon po tayong mga lampas po sa 23 percent na mga hindi po sumusunod,” anang opisyal.

“Subalit ang proseso po natin ay turuan po sila at ipaalam sa kanila kung ano po iyong mga kailangan po nilang sundin. At dahil po doon sa mga technical assistance at technical advises na ibinibigay po natin lalung-lalo na doon sa mga maliliit po nating mga negosyo, sila naman po ay sumusunod,” he continued, adding that compliance of establishments has since risen to 92%,” dagdag nito.

Inihayag pa ng labor official na patuloy ang DOLE sa pagsanay nang libre sa mga occupational safety and health officers upang tiyakin ang patuloy na pagsunod ng mga establisyimento sa mga COVID-19 protocols.

“Mayroon po tayong mahigit na 1 million establishments at ito pong mga establishments na ito ay kailangan magkaroon ng mga safety officer. Sila po iyong katulong po natin sa pagpapatupad ng occupational safety and health standards.”