-- Advertisements --

Muling mag-lulunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isa pang job fair na nakatutok sa mga internet gambling licensee (IGL) workers na apektado ng pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ayon kay Secretary Bienvenido Laguesma.

Ani Laguesma, halos nasa 200 IGL workers ang dumalo sa nakaraang job fair, at ilan sa kanila ay nakahanap ng bagong trabaho.

‘Mayroong mga na-hire doon, pero mayroon ding follow-up. Magkakaroon pa kami ng isa pang job fair na nakatutok sa kanila,’ sabi ni Laguesma sa isang panayam.

Dagdag pa niya, bukas din ang job fair para sa iba pang mga Pilipino na naghahanap ng trabaho. Gayunpaman, hindi binanggit ni Laguesma ang eksaktong petsa ng susunod na job fair.

Kung maaalala na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa lahat ng POGO noong Hulyo 2024, kasunod ng mga ulat na may mga POGO operator na sangkot sa mga krimen tulad ng human trafficking, illegal detention, at mga financial scam.

Noong Nobyembre 2024, pinalawig ni Marcos ang pagbabawal sa pamamagitan ng Executive Order No. 74, na hindi lamang ipinagbabawal ang mga ilegal na offshore gaming operations kundi pati na rin ang mga aplikasyon at renewal ng lisensya, at paghinto ng operasyon ng mga POGO.

Isang interagency task force naman ang kinabibilangan ng Bureau of Immigration (BI), Department of Justice (DOJ), DOLE, at iba pang mga ahensya, ang itinatag upang pangasiwaan ang pagsasara ng mga POGO at tulungan ang mga apektadong manggagawa.