Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor na ibigay ang 13th month pay bago mag-Pasko o ngayong bisperas, Disyembre 24.
Ayon kay Labor Sec. Bienvenido Laguesma, minamandato ito sa ilalim ng Labor Code of teh Philippines at Presidential Decree 851.
Saad pa ng kalihim na lubos na ikalulugod ng mga empleyado kung naibigay na ang kanilang 13th month pay. Gayunpaman, ang pagbabayad nito ngayong araw ay isang pagpapakita ng kanilang pagmamalasakit sa kapakanan ng kanilang mga empleyado.
Umapela naman ang opisyal sa mga employer na hindi pa nagbabayad ng 13th month na magpakita ng pagmamahal at malasakit sa kanilang mga manggagawa sa pamamagitan ng boluntaryong pagsunod sa minamandato ng batas.
Kasabay nito, nanawagan ang DOLE Secretary sa mga empleyadong hindi makakatanggap ng kanilang 13th month pay matapos ang deadline ngayong Disyembre 24 na i-report ito sa kanila.