-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment sa mga manggagawa at maging sa mga employer hinggil sa tamang patakaran ng pasahod ngayong Chinese New Year.

Kung saan, nagbigay muli ng abiso ang naturang kagawaran hinggil sa pagkonsidera ngayong araw bilang isang Special Non-Working Day.

Dahil dito, ipapatupad ang ‘no work, no pay’ policy para sa mga empleyadong hindi papasok maliban na lamang kung may Collective Bargaining Agreement o CBA ang kumpanya na nagbibigay pasahod nitong Miyerkules.

Ngunit kung pumasok naman ang trabahador, siya ay dapat mabayaran ng employer ng karagdagang 30% sa kanyang arawang sahod ng unang walong oras na pagtatrabaho.

Samantala, sa mga empleyado namang ginampanan ang trabaho kahit ito ay kanyang araw ng pahinga, siya ay marapat lamang na dagdagan ng 150% mula sa kanyang arawang sahod.