-- Advertisements --

Nag-isyu ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng guideline para sa pagpapasahod sa darating na Holy week sa susunod na linggo.

Ayon sa ahensiya, ang mga empleyado na magtratrabaho mula Huwebes Santo, Marso 28 hanggang Sabado de Gloria, Marso 30 ay kwalipikadong makatanggap ng special wage dahil idineklara ang mga araw na ito bilang regular holiday o special non-working holiday.

Sa Labor Advisory na inilabas ng ahensiya, ang mga empleyado na magtratrabaho sa Huwebes Santo at Biyernes Santo na idineklara bilang regular holidays ay dapat na makatanggap ng double pay o 200% ng kanilang sahod para sa unang 8 oras.

Sakaling mag-overtime, dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate maliban pa sa double pay.

Kung ang isang empleyado naman ay pumasok sa regular holiday at natapat na rest day nito, may karagdagang 30% din liban pa sa double pay at dagdag na 30% ng hourly rate kapag nag-overtime.

Ang mga empleyado naman na hindi magtratrabaho ay dapat na makatanggap ng 100% ng kanilang basic pay.

Samantala, ang mga empleyado naman na papasok sa Marso 30 o Sabado de Gloria na idineklarang special non-working day ay dapat na makatanggap ng dagdag na 30% ng kanilang basic wage sa unang 8 oras ng trabaho. Kapag nag-overtime naman, may dagdag na 30% kada oras.

Ang mga empleyadong papasok sa special non-working day na natapat sa kanilang rest day ay dapat na makatanggap ng dagdag na 50% ng kanilang basic wage sa unang 8 oras at dagdag na 30% kada oras kapag nag-overtime.

Ang mga empleyado naman na hindi papasok sa special non-working day ay walang sahod maliban na lamang kung may paborableng polisiya o kasunduan sa kompaniya na magbibigay ng sahod sa naturang special holiday.

Sa Marso 31 o Easter Sunday naman, ang mga empleyadong magtratrabaho ay sasahod gaya ng ordinary working days.