Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na sundin ang mga tuntunin sa pagpapasahod sa mga empleyado sa regular holidays sa Abril 9 o Araw ng Kagitingan at Abril 10 o Eid’l al-Fitr.
Sa Labor Advisory No. 05 na inisyu ng ahensiya, ang mga empleyado sa pribadong sektor na magtatrabaho sa nasabing regular holidays ay kwalipikadong makatanggap ng double pay para sa unang 8 oras ng trabaho.
Kapag nag-overtime naman, dapat na bayaran ang empelyado ng karagdagang 30% kada oras.
Kapag ang empleyado naman ay hindi pumasok sa regular holiday, makakatanggap pa rin ito ng 100% ng basic salary.
Una rito, ang Abril a-9 o Araw ng kagitingan ay ang pag-alaala sa mga sundalong lumaban at ibinuwis ang buhay para sa kasarinlan mula sa mananakop na Hapones sa Battle of Bataan noong 1942.
Ang Eid’I al-Fitr naman ay isa sa malaking holidays ng mga Muslim at ipinagdiriwang ang pagtatapos ng isang buwang Ramadan.