Nagbabala ang pamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ukol sa mga ibinibentang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage Workers (TUPAD) uniforms.
Namonitor kasi ng naturang ahensiya ang paglabas ng mga uniform na isinusuot lamang ng mga benepisyaryo ng naturang programa.
Ayon sa DOLE, lumalabas na may mga nagbebenta ng mga naturang uniporme, lalo na sa online platform, kung saan maaaring bilhin ito ng mga hindi benepisyaryo.
Katwiran ng DOLE, ang mga uniporme ng TUPAD ay libre at ipinamimigay lamang sa mga benepisyaryo ng programa upang gamitin bilang Personal Protective Equipment (PPE) sa kanilang trabaho.
Babala ng ahensiya, hindi otorisado ang pagbebenta nito, at walang kumpanya ang binigyang ng otorisasyon upang ibenta sa mga benepisyaryo o hindi benepisyaryo.
Pinapayuhan din nito ang publiko na ireport ang mga nakikitang nagsusuot ng mga naturang uniporme kahit na hindi sila otorisadong magsuot, para makapanloko o anumang masamang binabalak.
Maaaring ireport ang mga naturang impormasyon sa pamamagitan ng DOLE Hotline 1349