GENERAL SANTOS CITY – Naibigay na ng taga Department of Labor and Employment (DOLE) ang halos P1 million na tulong para sa pamilya ni Jeanelyn Villavende, ang Pinay domestic helper na taga Norala South Cotabato na pinatay ng kanyang employer sa Kuwait.
Ayon kay DOLE Region 12 Director Sisinio Cano, limang tseke mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at isang insurance company ang natanggap ni Abelardo Villavende, ama ni Jeanelyn sa pagbisita ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ng burol ng Pinay sa Purok Guimbal Barangay Tinago Norala.
Nasa P200,000 ang inirelease ng OWWa bilang social benefits, P20,000 burial assistance, P10,000 financial assistance at P5,000 scholarship assistance para sa 11 anyos na si Akina Marie, kapatid ni Jeanelyn.
Naibigay na rin ang insurance na umaabot sa $15,000 o katumbas ng P762,000.
Una rito, tiniyak ng pamahalaan na maibibigay ang lahat ng insurance ng biktima batay na rin sa kautusan ng gobyerno.