-- Advertisements --

Naghahanda na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa muling isasagawang job fair sa susunod na linggo, kasabay ng Independence Day.

Dito ay nakatakdang i-alok sa mga manggagawang Pilipino ang 31,000 job opportunities mula sa mahigit 500 employers na makikibahagi rito.

Sa Metro Manila, sampung syudad ang magsisilbing venue na kinabibilangan ng Caloocan City; Las Piñas; Mandaluyong; Manila; Marikina; Parañaque; Pasay City; Pasig City; Quezon City at Taguig City.

Maliban sa mga iaalok na trabaho, magkakaroon din ng skills demonstration para sa mga aplikante sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority(TESDA). Magsasagawa din ito ng skills training.

Kasama rin dito ang one-stop-shop para sa mga government services na dadaluhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), National Bureau of Investigation (NBI), PhilHealth, Philippine National Police (PNP), Philippine Postal Corporation (PhilPost), Professional Regulation Commission (PRC), Social Security System (SSS), atbpa.

Maliban sa Metro Manila, magsasagawa rin ang mga DOLE regional offices ng kani-kanilang job fair bilang selebrasyon sa ika-126 na taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.