Nagtalaga ng nasa Php100 milyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kanilang programa libreng COVID-19 testing sa mga bagong hire na manggagawa.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na layunin nito na bawasan ang bigat ng pasanin ng mga kababayan nating newly -hired jobseekers sa iba’t-ibang sektor.
Ang naturang programa ay alinsunod sa DOLE Department Order 232, series of 2022 na nilagdaan ni Bello na sumasaklaw sa mga jobseekers mula Pebrero 1, 2022 na hindi pa nakakakuha ng posisyon dahil sa kawalan ng negatibong resulta ng RT-PCR test.
Kinakailangan lamang na magsumite ang mga new hire ng photocopy ng valid government-issued ID , duly accomplished subsidy application form at iba pa sa pinakamalapit na DOLE field office upang agad itong ma-endorso sa mga kinauukulang regional office matapos ito ma-evaluate.
Makakatanggap naman ng email o SMS ang mga aplikante sa loob ng five working days na naglalaman kung kung aprubado ba ito o hindi.
Samantala, sinabi naman kagawaran na upang matiyak naman na mahigpit na nababantayan ang nasabing programa ay inatasan ang lahat ng DOLE regional offices na mag-sumite ng weekly monitoring reports sa Bureau of Local Employment.