Naglaan ang Department of Labor and Employment ng P45 milyon bilang emergency employment assistance sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa oil spill dulot ng paglubog ng tanker na MT Terranova sa Bataan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma hindi bababa sa 1,357 manggagawa ang makikinabang dito.
Ani Laguesma , nabigyan na ng emergency employment ang mga indibidwal na apektado ng oil-spill sa probinsya ng Bataan.
Aniya, magtatrabaho ang mga manggagawa-benepisyaryo sa loob ng 10 hanggang 20 araw sa ilalim ng programa, na nakatalagang tumulong sa pangangalap at pagkolekta ng mga bunot ng niyog upang maging oil spill booms.
Sinabi ni Laguesma na tutulong din sila sa clean-up operations sa masamang epekto ng Bagyong Carina.
Bilang kapalit babayaran sila ng umiiral na minimum wage rates sa rehiyon.
Kung maaalala, noong nakaraang Hulyo 25, lumubog ang MT Terranova sa Limay, Bataan, na nagtapon ng bahagi ng 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil nito sa tubig.