-- Advertisements --

Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng guidelines para sa tamang pasahod sa nalalapit na holidays sa Araw ng mga Santo sa November 1, Araw ng mga Kaluluwa sa November 2 at sa Bonifacio day sa November 30.

Sa advisory na inilabas ng DOLE, nagpaalala ang ahensiya sa mga empleyado at mga employer na sa November 1 at 2 na itinuturing na special non-working holidays ay ‘no work no pay’. Subalit sa mga papasok sa nasabing mga araw, ang mga empleyado ay makakatanggap ng kanilang regular na arawang sahod at may karagdagang 30%. Para sa overtime work, makakatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate.

Sa mga papasok naman sa special holiday na nataong rest day, ang mga empleyado ay dapat na makatanggap ng karagdagang 50% ng kanilang regular daily wage para sa unang 8 oras at karagdagang 30% ng kanilang hourly rate para sa overtime.

Samantala, para naman sa Bonifacio day na isang regular holiday, makakatanggap pa rin ang empleyado ng kanilang buong arawang sahod kahit hindi pumasok basta’t papasok sa trabaho o naka-leave with pay sa sumunod na araw.

Ang mga empleyado naman na magtratrabaho sa regular holiday ay makakatanggap ng double pay at karagdagang 30% ng kanilang hourly rate para sa overtime work.

Ang mga magtratrabaho naman sa regular holiday na nataong rest day ay makakatanggap ng double pay at karagdagang 30% at para sa overtime, makakatanggap ng dagdag na 30% ng hourly rate.