Naglabas ng panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa tamang pasahod sa Pebrero 25 na idineklarang special working holiday.
Ito ay kasabay ng paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng makasaysayang EDSA People Power revolution.
Sa nilagdaang labor advisory ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ngayong Biyernes, Pebrero 7, nakasaad na dapat ikonsidera ang araw na ito bilang “ordinary working day” para sa pagbabayad ng sahod at wage-related benefits.
Kapag ang isang empleyado ay hindi nagtrabaho sa naturang petsa, papairalin ang ‘no work, no pay’ principle maliban na lamang kung mayroong paborableng company policy, practice o collective bargaining agreement para sa pagbibigay ng bayad o sahod sa special working day.
Para naman sa mga empleyadong pumasok sa special working day, dapat na bayaran ng employer ang 100% sahod ng empleyado sa nasabing araw para sa unang 8 oras.
Kapag sumobra naman ng 8 oras, dapat na bayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 25% ng kaniyang hourly rate.