-- Advertisements --

Naglabas na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng panuntunan para sa tamang pasahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Labor day, Mayo 1 na idineklara bilang regular holiday.

Sa inisyung Labor Advisory No.5 Series of 2025, binigyang diin ng DOLE na kwalipikaodng makatanggap ng double pay ang mga empleyadong magtratrabaho sa regular holiday para sa unang walong oras.

Para naman sa overtime o lagpas sa walong oras na trabaho, dapat makatanggap ang mga empleyado ng karagdagang 30% ng kanilang orasang sahod.

Ang mga hindi naman papasok sa May 1 ay kwalipikado pa ring makatanggap ng 100% ng kanilang arawang sahod, basta’t pumasok o naka-leave with pay sa araw bago ang holiday.

Nilinaw naman ng DOLE na kapag ang araw bago ang May 1 ay nataong rest day o non-working day, dapat na makatanggap pa rin ang empleyado ng holiday pay basta’t sila ay pumasok o naka-paid leave sa huling working day bago ang holiday.

Ipinaalala din ng DOLE na ang mga empleyado na nataong rest day sa May 1 at pumasok pa rin sa trabaho ay kwalipikadong makatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang basic wage para sa unang walong oras at karagdagang 30% ng kanilang orasang sahod para sa overtime work.