Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment ang mga pribadong kumpaniya ukol sa tamang pasahod mga nalalapit na regular at special holiday ngayong Disyembre.
Sa ilalim kasi ng Labor Advisory No. 14, Series of 2024, ang Dec. 8, Dec. 24 at Dec. 31 ay pawang mga special non-working holidays.
Tinukoy naman bilang regular holiday ang Dec. 25 (Araw ng Pasko) at Dec. 30 (Rizal Day).
Sa tatlong araw na special non-working holidays, susundin dito ang ‘no work, no pay’ principle. Pero para sa mga magtatrabaho sa mga naturang araw, karagdagang 30% ang kanilang matatanggap, maliban pa sa overtime pay kung sakaling mago-overtime ang isang empleyaro.
Sa dalawang regular holidays, papasok naman ang double pay sa mga empleyadong magtatrabaho habang ang mga empleyadong hindi papasok ay makakatanggap pa rin ng 100% ng kanilang regular na sahod.
Pasok din dito ang dagdag na overtime pay para sa mga empleyadong gagawa nito.
Ginawa ng DOLE ang paalala bilang guidance sa mga employer, kasabay ng limang araw na special at regular holiday sa loob lamang ng buwan ng Disyembre.