-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga private sector employer at mga empleyado para sa tamang pasahod sa December holidays.

Base sa Labor Advisory No. 14, ang mga empleyado na pumasok sa trabaho sa special non-working holidays sa Disyembre 8 o Feast of the Immaculate Concention, December 24 o Christmas eve, at December 31 o huling araw ng taon na lahat ay dapat na masahuran ng karagdagang 30% ng basic wage sa unang 8 oras.

Kapag lumagpas naman sa 8 oras, ang empleyado ay dapat na makatanggap ng dagdag na 30% ng orasang sahod.

Para sa mga empleyadong pumasok na nataong rest day, dapat na makatanggap ng dagdag na 50% ng kanilang basic wage sa unang 8 oras ng trabaho.

Para naman sa lagpas 8 oras at nataong rest day, ang empleyado ay dapat na makatanggap ng dagdag na 30% ng orasang sahod.

Samantala, ang mga magtratrabaho naman sa regular holidays gaya ng December 25 o Christmas day at December 30 o Rizal day ay dapat na makatanggap ng isang buong araw na sahod kapag hindi pumasok sa kondisyong naka-leave of absence with pay sa araw bago ang regular holiday.

Kapag ang araw bago ang regular holiday ay isang non-working day o scheduled rest day ng empleyado, dapat makatanggap ng holiday pay kapag ang empleyado ay pumasok sa trabaho o naka-leave of absence with pay sa araw bago ang non-working day o rest day.

Dapat namang makatanggap ng double pay ang empleyado kapag pumasok sa trabaho sa regular holiday. Kapag lumagpas naman ng oras, ang empleyado ay makakatanggap ng karagdagang 30% ng orasang sahod sa nasabing araw. Habang kapag nation namang rest day ng empleyado, dapat itong makatanggap ng dagdag na 30% maliban pa sa double pay.

Para naman sa lagpas sa 8 oras na trabaho sa regular holiday na nataong rest day, ang empleyado ay dapat na makatanggap ng dagdag na 30% ng orasang sahod sa nasabing araw.