Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pribadong sektor sa tamang pasahod ngayong New Year’s day, Enero 1, 2025 na isang regular holiday.
Ayon sa ahensiya ang mga empleyado na papasok ngayong araw ay kwalipikadong makatanggap ng double pay para sa unang walong oras ng pagtratrabaho.
Kapag ang empleyado naman ay nag-overtime sa trabaho, dapat itong makatanggap ng karagdagang 30% ng kaniyang orasang sahod ngayong araw.
Para naman sa mga empleyado na papasok ngayong regular holiday na nataong rest day, dapat na makatanggap ang empleyado ng karagdagang 30% ng basic wage maliban pa sa double pay.
Kapag nagtrabaho naman ng lagpas sa 8 oras sa regular holiday na nataong day off ng empleyado, dapat na makatanggap ito ng karagdagang 30% ng orasang sahod ngayong araw.
Kung ang empleyado naman ay hindi nagtrabaho, makakatanggap pa rin ito ng 100% ng kaniyang sahod ngayong araw, basta’t pumasok ito o naka-leave of absence with pay kahapon bago ang regular holiday.
Kapag ang araw naman bago ang regular holiday ay idineklarang non-working day sa establishimento o scheduled rest day ng empleyado, dapat pa ring makatanggap ng holiday pay kapag ang empleyado ay nagtrabaho o naka-leave of absence with pay sa araw bago ang non-working day o rest day.