Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer sa pribadong sektor na sumunod sa tamang pasahod sa nalalapit na mga regular at special non-working holidays sa Abril.
Sa Labor Advisory No. 04, series of 2025, itinakda ang wage guidelines para sa Eid’l Fitr (Abril 1), Araw ng Kagitingan (Abril 9), Maundy Thursday (Abril 17), Good Friday (Abril 18), at Black Saturday (Abril 19), na idineklarang special non-working day sa ilalim ng Proclamation No. 839.
Ang mga empleyadong hindi papasok sa regular holiday ay makakatanggap pa rin ng buong sahod, basta’t pumasok o naka-paid leave sila noong huling araw ng trabaho.
Ang mga magtatrabaho sa mga araw na ito ay may karampatang 200% ng kanilang daily wage para sa unang walong oras.
Para naman sa overtime, may dagdag na 30% sa hourly rate, at kung ang holiday ay sakto sa rest day ng empleyado, may karagdagang 30% premium sa double pay nila.
Sa Black Saturday, ipapatupad ang “no work, no pay” policy maliban na lang kung may company policy o collective bargaining agreement na nagbibigay ng sahod. Ang mga papasok ay may dagdag na 30% sa kanilang basic wage para sa unang walong oras.
Nanawagan ang DOLE sa mga employer na sumunod sa wage rules upang mapanatili ang patas na pasahod, maiwasan ang labor disputes, at maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa.