-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na entitled makatanggap ng double pay ang mga pribadong empleyado ngayong regular holiday kasabay ng pag-obserba ng ik-83 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan, Abril 9.

Ito ay alinsunod sa Labor Advisory No. 04, series of 2025, na nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma.

Sa ilalim ng regular holiday, ang mga empleyadong hindi papasok sa araw na ito ay dapat na makatanggap ng 100% ng kanilang sahod sa kondisyong pumasok ito o naka-leave of absence with pay sa araw bago ang regular holiday.

Kung ang araw bago ang regular holiday ay isang non-working holiday sa isang establishimento o rest day ng empleyado, dapat itong makatanggap ng holiday pay basta’t pumasok ito o naka-leave of absence with pay sa araw bago ang non-working day o rest day.

Kapag nag-overtime naman o lagpas sa walong oras, dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kaniyang hourly rate sa nasabing araw.

Kapag nataon namang rest day, dapat makatanggap ang empleyado ng dagdag na 30% ng kaniyang basic wage maliban pa sa double pay.

Kapag nag-overtime naman na nataong rest day, dapat bayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 30% ng kaniyang hourly rate sa nasabing araw.