Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Labor and Employment na tumulong sa humigit-kumulang 500 mga empleyado ng Sofitel Hotel na pinangangambahang mawawalan ng trabaho sa pagsasara.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, may mga standby programs ang kanilang ahensya na maaring makatulong sa mga maaapektuhang empleyado ng napipintong pagsasara ng naturang hotel.
Ang mga nakaantabay na mga programang ito aniya ng DOLE ay pawang may mga kinalaman din sa Employment facilitation, referral, pagbibigay ng gabay kung nanaisin man ng mga maapektuhang empleyado na magkaroon ng Livelihood Programs at mga dagdag pagsasanay.
Kaugnay nito ay una na rin aniya siyang nakipagpulong sa management ng naturang hotel kung saan tiniyak aniya ng mga ito na mayroong inihandang separation packages ang kumpanya para sa kanilang mga empleyado.
Kung maalala, una rito ay nagpahayag na rin ng interes ang Department of Tourism na magpaabot ng tulong sa mga manggagawang maaapektuhan ng pagsasara ng Sofitel sa Pasay City.
Matatandaan na “safety issues” ang sinabing dahilan ng pamunuan ng hotel kung bakit kinakailangang ipasara ito sa Hulyo 1, 2024.