-- Advertisements --

Aabot sa 5,000 mga workplace inspectors ang ipinakalat ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa harap ng coronavirus pandemic.

Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, idineploy ang naturang mga inspectors upang siguruhin na naipatutupad ng mga employer ang minimum health standards para mapigilan ang hawaan ng COVID-19 sa mga opisina.

Babala ni Bello, kapag may natuklasan silang susuway sa mga protocol, pupuwede nilang irekomenda ang pagtigil ng kanilang operasyon.

“‘Pag hindi po sumunod sa mga protocol, puwede naming i-recommend ang kanilang stoppage of operation,” wika ni Bello.

Pero sinabi ni Bello, wala pa naman daw establisimentong napapatawan ng nasabing parusa.

“In fairness naman kapag sinabihan namin sila na bawal ang ginagawa nila, sumusunod naman sila,” anang kalihim.

Noong nakaraang buwan nang ibunyag ni COVID-19 response chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr. na ang mga opisina ang pinakakritikal na area para sa COVID-19 infection.