-- Advertisements --
DOLE tupad workers employees labor

Nagpasaklolo na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y korapsiyon sa pondo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng pamahalaan.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, pansamantala muna niyang sinuspindi ang naturang programa sa ilang distrito sa Quezon City para hindi na madungisan ang buong programa.

Lumalabas umanong naglalagay ng coordinators ang mga barangay at hinahati-hati ang P5,370 na sahod dapat ng mga trabahador.

Ang P1,000 ang napupunta sa nagpapanggap na manggagawa, habang ang mahigit P4,000 naman ang pinaghahatian ng coordinator at iba pang kasabwat.

Ang masaklap, wala umanong nagagawang trabaho, pero nauubos ang pondo.

Pilit daw pinapaniwala ang mga kumukuha ng pera sa remittance centers na pera ito ng barangay kaya kailangang i-turn over sa kanila ang mas malaking bahagi nito.

Tumanggi muna si Bello na ilahad kung ilan ang kanilang pakakasuhan dahil hindi pa raw kumpleto ang imbestigasyon.