-- Advertisements --

Sinimulan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang profiling ng mga manggagawang Pilipino na maaaring maapektuhan sa posibleng pagsasara ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Ito ay bahagi ng preparasyon ng ahensiya kasabay ng lumalawak na panawagang tuluyan nang ipagbawal ang online offshore gaming sa Pilipinas.

Una nang sinabi ng ahensiya na hanggang 22,000 Filipino workers ang maaaring mawalan ng trabaho sakaling aprubahan ng pamahalaan ang total ban sa mga ito.

Sa isinasagawang profiling ng mga manggagawa, tinitingnan dito ang employment status, skills ng mga workers, at ang posibleng alternatibong employment o livelihood na maaari nilang pasukan o maaaring ibigay sa kanila.

Kasabay ng isinasagawang profiling ay tinitingnan din ng ahensiya ang posibilidad ng pagbibigay sa kanila ng mas magandang oportunidad.

Ito ay sa tulong na rin ng upskilling at retooling program ng pamahalaan.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, kailangan nang pumasok sa transisyon ang mga ito at hindi na hihintayin lamang na mangyari ang total ban bago kumilos.