-- Advertisements --
DOLE

Binigyang diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakikita nila ang pagbuti sa employment figure sa bansa sa huling quarter ng taong kasalukuyan.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ito ay dahil sa inaasahang pagtaas ng mga aktibidad sa ekonomiya lalo na sa panahon ng kapaskuhan.

Kasabay nito, binanggit ng DOLE chief ang pagbaba sa underemployment rate sa bansa.

Ang underemployment rate ay bumaba mula 11.7 porsiyento hanggang 10.7 porsiyento.

Bukod dito, malaking bahagi ng mga walang trabaho ay dahil sa mas kaunting self-employed at walang suweldong mga manggagawa.

Batay sa resulta ng pinakahuling Labor Force Survey, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang unemployment rate sa 4.5 percent noong Setyembre ngayong taon mula sa 5 percent sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Una nang sinabi ng National Statistician na si Dennis Mapa na bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa 2.26 milyon mula sa 2.5 milyon sa parehong panahon noong nakaraang taon.